Parang pagyapos sa hangin ang pagsintang lihim Na di aninag mata,dama pagsalubungin Sa pilapil ng tubigan na basa't hamugin, Sa dapit-hapong malamig pag datal kulimlim..
Malamyos mong tinig mahal kong Balinsasayaw Kaligayahan ko na't kaulayaw sa ginaw Katabi sa araw sa daigdig kong masikip, Kayakap ko sa gabing puno ng ma-nga hibik..
Sikdo ng puso'y sing bilis ng iyong paglipad Na tulala sa himig mo't pag pakpak ay liyad Na sumasayaw sa hangin tuwing may pag-arap, Nanagos sa isipan ko sa sutlang liwanag..
Halika't isasayaw kita sa panaginip?! Sa saliw ng musikang ginawa ko sa dibdib Pagkat dito lang nagagawang sayo humalik, Yakapin ka't maaliw sa lamyos ng 'yong himig..
Ma-nga labi mong nagbabaga'y dadamhin ko rin Sa rurok ng isipan ko't pag dagat ay tiim Sasalubungin ang galit yaong hangi't dilim, Pag buka ng liwanag mata ko ma'y lumalim..
Nanamnamin nalang yaong kahapong nawaglit Na inukit ko na sa aking tula at titik Na lumalagitik sabay sa dahon ng siit, Sa gabing mapayapa sa hamog niring lamig..
Pagsintang sing labo man ng mata nitong bulag Kumakapa sa dilim ng pansin at pag liyag Na sinasanay ang pakiramdam sa liwanag, Kahit pa mahulog sa bangin niring pangarap..
Aasang isang araw ay magiging akin ka Kasama ng ma-nga pipit nating tumutuka Maghahabi ng pugad sa mataas na sanga, Na di tanaw nitong ma-nga matang mapanghusga..